Tags

, , , , , , , , , , ,

neruda 2
 

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License.

Naaalala kita, kung paano ka noong nakaraang taglagas.


Ikaw yung beret na abuhin at ang pusong mahinahon.


Sa mga mata mo, pilit na nagtatalo ang lagablab ng dapit-hapon.


At naglaglagan ang mga dahon sa tubig ng iyong kaluluwa


Nakakapit sa mga braso ko, animo’y gumagapang na halaman


Tinitipon ng mga dahon ang tinig mong malumanay.


Apoy ng pagkamangha, nagtutupok sa uhaw ko.


Hayasinta* —  bughaw, matamis na pulupot sa aking kaluluwa


Nadarama kong naglalakbay ang mga mata mo, lumipas na ang taglagas:


Abuhing beret, tinig ng ibon, tahanang puso,


Kung saan dumayo ang aking mga buntung-hininga


at ang aking mga halik, nagsilaglagan, maliliksing mga baga


Langit na dumaong. Patag ng bulubundok:


Ang alaala mo ay binubuo ng liwanag, ng usok, ng lawang walang-tinag!


Sa dako pa, lagpas sa iyong mga mata, lumalagablab ang takipsilim.


Mga tuyong dahon ng taglagas umiinog sa iyong kaluluwa.

*Hyasinta — nilikhang salita, paglalaro sa salitang “hyacinth” at “sinta”

 

 

Advertisements